The Little Bride and the Tallest Groom (Chapter 1)

0

JOLLY can’t help but smile habang pinagmamasdan ang bride na naglalakad sa aisle ng simbahan. Habang naglalakad ito ay umiere ang kantang Beautiful in White. The song perfectly fits for the bride. Napakaganda nito kahit na kitang-kita niyang naiiyak ito habang papalapit ito sa lalaking pakakasalan nito. Nakapwesto siya sa gilid ng simbahan kaya kitang-kita niya ang saya sa mukha ng groom habang pinagmamasdan nito ang papalapit na bride. Naturingan itong lalaki pero sa mga oras na iyon ay nagmumukha na itong bakla dahil kitang-kita niya na naiiyak din ito. Pero hindi magawa ni Jolly na pagtawanan ang lalaki dahil alam niya at nakikita niya sa mukha ng groom kung gaano ito kasaya sa mga oras na iyon. Like he can’t express his emotions enough at that moment.

She can’t help but sigh. “Kailan din kaya ako ikakasal?” mahinang tanong niya sa sarili.

“Maghanap ka muna ng boyfriend bago mo isipin kung kailan ka ikakasal.” Narinig niyang sagot ng sinumang bruhang killjoy. Matalim ang matang nilingon niya ito.

“Panira ka talaga ng moment kahit kailan, Lorelie.”

“Panira ka jan. Nagsasabi lang ako ng totoo. Bago ka mag-ilusyon eh humanap ka muna ng boyfriend. Wedding planners tayo pero kahit kailan hindi ka nagka-jowa.”

“Hindi ka rin naman nagka-jowa kahit kailan ah.”

“Ay duh! Sinukuan ko na ‘yan. Walang magkakagusto sa taong balyena ang katawan.”

“Ang harsh mo naman. Malay mo, may isang lalaki diyan na mahilig sa pork.” Aniya sabay hagikhik. Sinapak siya nito.

Jolly grew up in a simple loving family. Hindi mayaman ang pamilya niya pero sapat ang kinikita ng tatay niya bilang government employee para maitaguyod at makapagtapos silang magkakapatid. Siya ang bunso sa tatlong magkakapatid at nag-iisang anak na babae. Araw-araw ay nakikita niya sa tahanan niya na mahal na mahal ng mga magulang niya ang isa’t-isa kahit na ang tatanda na ng mga ito. The mere reason why she always believes in romance, fairy tales and happy endings. Kaya gustong-gusto niya ang trabaho niya. Nasisiyahan at kinikilig siya sa tuwing nakikita niya ang dalawang taong ikakasal, knowing that the couple love each other so much. Bukod sa successful ang trabaho at malaking pera ang katumbas, ay nakakasaksi pa siya ng happy endings sa simabahan, or the thing of what she called, the start of forever. Naks!

“Congrats to us. Another successful event na naman.” Narinig niyang wika ni Lorelie. Sinulyapan niya ito. Tulad niya ay nakatitig din ito sa dalawang taong ikinakasal ng pari.

“Congrats to you. Nagsurvive ka sa pagkademanding ng bride at sa sobrang higpit ng schedule natin.”

“Argh. I had no choice, hadn’t I? Apat na buwan lang ang binigay sa’tin. For me, it’s a perfect challenge to our skills of giving them their perfect dream wedding. Pera na ‘yon kaya hindi dapat aksayahin.”

Bestfriends sila ni Lorelie since elementary. Kahit prangka at garapal itong magsalita ay alam ni Jolly na marami silang pagkakatulad sa isa’t-isa. Isa na doon ang pagiging NBSB at hopeless romantic nila. Kaya nga naitayo nilang dalawa ang Aishteru Wedding and Events dahil sa pagkahilig nila sa romance at happy endings. Hindi man nito iyon pinapakita ay alam niyang inaasam pa rin ito na magkaroon ng lovelife at maikasal. Nagsimula sila maging wedding planner pagkatapos nilang mag-college sa kursong BS Pscychology. Anak mayaman ang kaibigan niya. Kung tutuusin ay hindi na nito kailangan pang magtrabaho sa dami ng mga negosyo at ari-arian ng mga magulang nito, ngunit mas pinili nitong maging independent, makipagnegosyo sa kanya at magtrabaho.

“Aren’t they so romantic? Hindi makapaghintay ang dalawa na maikasal agad.”

“O kaya naman may malaking pamana sa lalaki at makukuha lang nito iyon kung maikasal siya.”

“Ang bitter mo ah. Can’t you see to their faces how deeply in love they are to each other?” kinikilig niyang sabi.

“Nakikita ko naman. Ayaw ko lang pansinin.”

“Sus. Feel it! Hindi talaga ako nagsasawa sa ganito.”

“Yeah. Whatever. I still want cash.” Anito at ibinuklat ang planning notebook nito.

“We still have to make follow-ups sa mga flower supplier natin para sa next wedding schedule natin, next month. Naku, naku! Babatukan ko na talaga si Cardo. Mukhang sinasadya niyang magdelay lagi ng mga ipinadeliver nating mga bulaklak sa kanya.

“Benasted mo kasi. ‘Yan tuloy.”

“Hindi ko naman kasi siya type. Alangan namang paasahin ko siya? Mas malaking kasalanan iyon.”

“Sabagay. Hayaan mo, maghahanap ako ng ibang mas magandang supplier.” Aniya at itinuon uli ang atensyon sa ikinakasal. Naghalikan na ang mga ito, hudyat na tapos na ang kasalan. “I need to go. Pupuntahan ko pa ang reception to keep everything in-check. Ikaw nalang bahala umalalay sa kanila ha.” Tango lang ang itinugon nito sa kanya at dali-dali na siyang umalis sa simbahan at sumakay sa service car nila.

 

HINAYAAN ni Jolly na bumagsak ang katawan niya sa malambot niyang kama. Drain na drain ang energy niya dahil sa ginanap na kasal. Kung anu-ano ang ginawa niyang pakulo para masiyahan ang mga bisita at bagong kasal. Thank God, dahil nagustuhan din ng mga ito ang inihandang pagkain na ilang linggo rin na ilang beses na pinalitan ng bride. To make things short, everything went successfully as planned.

Sumalampak rin sa kama niya ang kaibigan at kapartner sa negosyong si Lorelie. Pareho silang nakatira sa condo unit nito sa Baguio na iniregalo ng mga magulang nito rito matapos nilang magtapos ng kolehiyo. Noong una ay nahihiya pa siyang tanggapin ang alok nito na tumira sa condo nito kasama ito pero makulit ang kaibigan niya at nag-insist na para makatipid daw ay hati sila sa bayad sa lahat ng gastusin sa bahay. 8 years na silang magkasama sa iisang bubong.

“Ayoko na. Ang sakit na ng katawan ko.” Hinaing nito. Ilang beses na rin niyang narinig ang reklamo nito noon.

“Ako din. Akala ko hindi na matatapos ang event.”

“Mabuti nalang at pinakain tayo. Mabait din naman pala ang bride. Ang swerte ng groom.”

Natawa siya. “Ikaw lang talaga ang medyo bitter sa kanila eh.”

Inirapan lang siya nito at pumikit. Ilang sandali pa ay nagsalita siya.

“Lor, ikaw ba, naiisip mo kung darating din ang araw na ikakasal ka?”

“Sinabi ko naman sa’yo that I’ve already given up on that.” Anito habang nakapikit pa rin. Tumagilid siya rito at pinagmasdan ito. “Bakit? Maganda ka naman ah.”

“Walang magandang mukha sa isang baboy na katawan.”

“Sira kaba? May mga client tayo na malulusog ang mga bride dati.”

Nagkibit-balikat ito. “Let’s just say na naubos na nila ang mga lalaking love na love ang pork body. Wala nang natira para sa’kin.”

“Hey, you know na hindi basehan ang katawan pagdating sa pag-ibig.”

“For someone who has the height of 4 feet and 5 inches, surely you still believe in fairytales, ma friend.”

Sumimangot siya rito. “Sa ating dalawa ikaw ang mas may chance na magka-boyfriend. Aside sa katawan mong pinaglihi kay Buddha, eh mayaman at maganda ka. I’m sure there’s still someone out there looking and waiting for your love. Hindi katulad ko na dahil sa height kong ‘to, forever bata na ako.”

“Ayaw ko nang umasa. Masasaktan lang ako.”

“Meaning nasaktan ka na dati?” hindi ito nagsalita at pumikit ulit.

Niyugyog niya ito. “Hoy. Sumagot ka.”

“hay Jolly! Matulog ka na nga. Hindi ka na tumatangkad dahil diyan ka kakapuyat mo.” Tumayo ito. “O ‘san ka pupunta?”

Taas ang kanang kilay na lumingon ito sa kanya. “Sa kwarto ko, siyempre. Kwarto mo kaya to. Sige na bukas na tayo mag-usap. Good night.”

HALOS igapang na ni Jolly ang trash area habang hilahila niya ang pagkalaki-laking trashbag na punong-puno ng basura. Siya ang nakatoka ngayong magtapon ng basura at nakaugalian na niya na sa umaga magtapon ng basura. Sa mga oras na kasi iyon ay wala pang halos tao na lumalabas sa kanya-kanyang kwarto sa sobrang lamig. At higit sa lahat, sigurado siyang walang mangangantyaw sa kanya. Kaawa-awa naman kasi ang hitsura niya. Para siyang batang paslit na nagpupumilit na matapos ang isang task na binigay ng nanay.

Nasa harap na siya ng parang isang kahon kung saan doon inihulog ang mga basura diretso sa malaking trash bin na sasalo sa labas ng building. Sinimangotan niya iyon at lumilinga-linga sa paligid. Naghahanap ng pwedeng apakan ng mga paa niya para maabot iyon. At ng makakita siya ay agad siyang tumuntong at hinila ang trash bag. Halos magsilabasan ang mga ugat niya sa bigat ng basurang hinihila niya.

Leche ka talaga Lorelie, ang dami-dami mo sigurong kinain kaya ganito karami ang basura natin!

“Argh..hmmp!” aniya sabay dalangin na sanay biniyayaan din siya ng kapangyarihan ni San Goku at ng makayanan niyang buhatin kahit man lang ang mga basura. For some reason ay biglang gumaan ang hinihila niya. Nabigyan yata siya ng powers bigla-bigla. Ngingiti na sana siya sa sarili ng mapansin niyang hindi lang siya nag-iisa sa kinaroroonan niya. Napakunot-noo siya ng may maanigan siyang malaking bulto ng anino. Oh God! Dali-dali siyang lumingon at nahigit ang hininga. Nanlaki ang kanyang mga mata at mukhang aatakihin pa yata siya sa puso.

Oh Lord, sabi ko po bigyan niyo ako ng powers, hindi po kapre!

For one moment, their eyes met. And he smiled at her. Napatulala siya rito. May kapre na palang gwapo ngayon? He has this sweet smile and an angelic face to match with. Matangkad at sakto lang ang pangagatawan pero sigurado siyang may abs ito dahil nababakat iyon ng kaunti sa suot nitong T-shirt.

Grabe ang tangkad, pre! 6-footer?

“Hi baby. Ako na ang magbubuhat.” Malambing na sabi nito.

Hindi siya kaagad nakapagsalita. Tinawag niya akong baby! Baby, ma men!

Hindi niya mapigilan ang sariling kiligin. Ngayon lang siya natawag na baby bukod sa mga

magulang niya.

 

Nagpatuloy ito. “Ako na ang magtatapon. Ang bait-bait mo namang bata. Where’s your mom?” tanong nito habang ito na mismo ang nagtapon ng mabigat na basura. Sisiw lang rito ang pagbuhat ng maladambuhalang basurang iyon. Pagkatapos ay umuklo ito sa harap niya. He looked straight at her eyes with that sweet smile. Diyos ko po, kung hindi lang kapangahasan ang halikan agad ang isang estrangherong kasing gwapo nito eh!

            “Nasaan ang mommy mo, baby? Inutusan ka ba ng mommy mo?”

Naging blangko bigla ang utak ni Jolly. Anong pinagsasabi ng kapreng ito? Wala sa loob na umiling-iling siya at naituro niya ang condo unit nila ni Lorelie. Sinundan nito ang tinuro niyang kwarto. And then showed her again that sweet smile.

“That was too far. Good job for your first task, first thing in the morning. Mabuti ‘yan. Good girl.” He patted her head. “My name is Kil. Pwede mo’kong tawaging kuya Kil kung gusto m—,” wait, wait, wait! Hindi na’to nakakatuwa! Aniya sa sarili.

“Hindi na ako bata! Malaki na ako!” nabigla ito sa pasigaw na sabi niya ngunit kalaunan ay ngumiti uli ito. “Okay. That’s the spirit. Sana lahat ng mga bata ay tulad mo. Bata palang gusto na maging independent.”

Naiinis na naipadyak niya ang mga paa. “Hindi na nga sabi ako bata eh!” Tinampal niya ang kamay nitong nakapatong pa sa ulo niya. “I’m already an adult!”

Mukhang lalo lang itong naaliw sa tinuran niya. Pinisil nito ang pisngi niya.

“Ang cute-cute mo talaga. You may be an adult but for me you’re still a baby.”

Namumula na ang mukha niya sa inis. Bakit ba may mga taong hindi kaagad nakakaintindi sa mga pinagsasabi niya? Hindi naman niya kaboses si Mahal.

Dahil sa pagkaasar ay nasuntok niya ang mukha nito. Kasehodang gwapo at pinaglihi sa anghel ang mukha nito, kapag height na niya ang pinag-uusapan, wala siyang inuurungan. Walang gwapo-gwapo sa ‘kin!

“Ouch!”

“Sinabi nang hindi na ako bata eh!” Nakapamaywang siya rito. “I’m Jolly, 28 years old and I may have a height of a child pero pasok parin ako sa minimum height ng isang average pinoy! And mind you, kaya lang maliit ang tingin mo sa’kin dahil sa kapre mong height! Tse! Diyan ka na nga! Kapag hindi ako makapagpigil, uupakan talaga kita. Maeexperience mo first hand ang kasabihan ng small but terrible!” Aniya at naiinis na nilayasan niya ito. Naiwan itong nakatulala sa kanya at hinayaan siyang makaalis.

“Geez, gwapo nga, tanga naman!”

Tags:

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply