The Little bride and the Tallest Groom (Chapter 2)

0

HINDI MAIPINTA ang mukha ni Jolly habang tawa ng tawa naman ang kaibigang si Lorelie. Nasa lamesa sila ngayon at kasalukuyang kumakain ng tanghalian. Tanghali nang nagising ang kaibigan dahil sinamantala nito ang day-off nila. Sunday hanggang Monday ang official off nila sa negosyo.

“Mabilaukan ka sana diyan. Bruhang ‘to.” Naiinis na wika niya habang nakahalukipkip. Hindi pa rin nawawala ang inis niya sa lalaking inakala siyang bata. Alam niyang maliit siya kumpara sa ibang tao pero wala pa sa tanang buhay niya nagparamdam sa kanya ng harap-harapan na kakaiba siya. Lahat ng mga kaklase sa kanya noong nag-aaral pa sila ay ilag sa kanya. Lumalaban naman kasi talaga siya at hindi inuurungan ang mga gustong umalipusta sa kanya. Iyon naman kasi ang turo sa kanya ng tatay niya. Ngayon pa lang may naglakas talaga ng loob na ipamukha sa kanya na parang isang batang paslit ang height niya.

“Argh! Nakakainis!” pinagbuntunan niya ng inis ang mga kawawang dahon ng repolyo sa plato niya.

“Ikaw naman kasi, sabi ko sa’yo huwag na huwag kang uminom ng kape dahil lalo ka lang hindi pinapayagan ni Lord na tumangkad. At ano naman iyong sinasabi mo na pasok ka pa sa average height ng mga pinoy? Ilusyunada ka ah, kulang ka pa ng ilang inch.”

“Abot ko ‘yon kung naka-heels ako. Tsaka ‘wag mo nga akong pagtawanan diyan. Alam mo bang napagkamalan nga akong bata, pero ikaw naman ang napagkamalang matabang nanay ko? Diyos ko, parang lumalabas na dapat iyong mga pagkain na kakainin ko, eh ikaw ang kumakain.” It’s her turn to laugh. Binato siya nito ng Baguio beans. “Sus, pikon.”

“Eh ito na nga diba, kumakain na tayo ng dahon kahit walang lasa. O eh ano nga uli ang pangalan ng lalaking iyon?” tukoy nito sa kapreng kapit-bahay nila.

“His name is Kil.” Lorelie chuckled. She rolled her eyes. “Gwapo sana iyon eh. Tanga lang.”

“You can’t blame him. Tingnan mo nga naman kasi ang hitsura mo kanina. Kahit sino siguro na hindi ka pa kilala ay mapagkakamalan ka talagang batang paslit na nawala sa daan.” Nakasuot lang siya ng pajama at maluwag na t-shirt. Usual na get-up na niya iyon kapag nasa bahay lang sila. “Tsaka, kahit nga iyong si manong guard sa baba, napagkamalan ka din kung hindi mo lang siya inunahan ng ID mo. Kaya may kasalanan ka rin sa nangyari.”

“Wala akong kasalanan!” aniya.

“Don’t act like that Ms. Jolly de Guzman, you look like a spoiled child.” Humalukipkip siya at ngumuso. Natawa ito. “Sige na. Mabait ka namang bata kaya magsorry ka d’on. Pinadugo mo yata ang ilong n’on. Kawawa naman.”

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. “Sorry? Ba’t ako magsosorry sa lalaking iyon?”

“Because you’re being too unreasonable. Ano namang masama kung napagkamalan ka niyang bata? Iyan nga ang gusto ng ibang mga babae diyan na trying hard magmukhang bata at cute sa kapal ng make-up tapos ikaw, sobrang effortless at pinagpala pa ni Lord, nagagalit? Isa pa, ikaw na mismo ang nagsabi na nahirapan kang magtapon ng basura sa sobrang bigat n’on, ikaw pa nga ang tinulungan niya tapos suntok lang sa mukha ang igaganti mo? Naku ang bad, bad, bad mong bata.”

“Tumigil ka nga sa pang-aasar mo sa’kin. Bad bad bad ka diyan.” Aniya ngunit ‘di rin maiwasan ni Jolly na makosensya. May punto din naman kasi ang sinabi ng kaibigan. What happened was all misunderstanding at nagmagandang loob lang ang lalaki sa kanya kanina.

“Mag-sorry ka na.” ulit pa nito.

“Oo na! mali na ako. Pero paano naman ako hihingi ng tawad? Ni hindi ko alam kung saang unit siya nakatira o dito ba siya nakatira? Baka bumisita lang siya sa kakilala niya rito.”

“Sa Unit 1805 siya nakatira.”

Napakunot siya ng noo. “Kilala mo ba siya? Sigurado ka?”

Nagkibit-balikat ito. “Sabi mo his name is Kil. Tingin ko si Kil Anderson ang tinutukoy mo. Nakatira siya diyan sa 1805. Dalawang unit lang pagitan natin sa kanya kaya malapit lang. Puntahan mo na.”

“Sandali, pa’no mo siya nakilala?”

“Siya ang Civil Engineer ng building na’to at nagmamay-ari rin ng mga units na inuupahan sa baba. Kilala ko siya kasi sa kanya binili ni daddy ang unit na ‘to. This supposedly his at dahil sinabi ko kay daddy na gusto ko ang view rito, binili nila. Buti nga eh pumayag.”

“And you didn’t tell me about this because..?”

“It never came up.”

She rolled her eyes. Ano pa nga ba ang aasahan niya sa kaibigan? Hindi ito madaldal at tsismosa kaya kinukwento lang nito ang kung anong tinatanong rito.

“eh…” pagaalinlangan niya. “Hindi naman kaya ako naman ang suntukin n’on kapag nagkita kami uli?”

Tumawa ito. “Edi inamin mo rin na mas Malaki ang kasalanan mo kaysa sa kanya. Isipin mo nalang na parusa mo ‘yon. Sige na. Magbihis ka na. Follow what mommy says.” Pang-aasar nito.

“Tse!” aniya at pumunta na sa kwarto para maligo at magbihis.

 

 

HINDI MAIWASAN ni Kil na mapangiti habang inaalala ang nangyari sa kanya sa umaga. Kahit na napapangiwi nalang siya sa suntok na natamo niya ay napapangiti pa rin siya sa tuwing naalala ang cute na mukha ng babaeng inakala niyang bata kanina. He honestly mistook her as a child dahil nakatalikod ito sa kanya habang hila-hila nito ang malaking trash bag. Palabas na sana siya n’on para bumili ng makakakain ng makita niya ito. He couldn’t help but amazed to that girl who did everything para makarating at matapon lang ang basura sa basurahan. Aside sa pajama at maluwag na damit ay naka-ponytail pa ito ng buhok, who would have thought that the child he’s been watching was actually a pretty lady?

He got amused by her kaya hindi niya napigilan ang sarili na lapitan ito at binuhat ang pagkalaki-laking basura at itinapon iyon para rito. Ngunit na sa halip na matuwa ito nang tawagin niyang cute ito ay nagalit pa ito,

Maliban pa d’on ay nasuntok pa siya nito. Oh well, kasalanan din naman niya. Hindi din naman kasi niya napigilan ang sarili na pisilin ang mamula-mula nitong pisngi. Kung alam lang niya na isa palang dalagang Pilipina ang kaharap niya at hindi isang batang paslit, eh hindi sana niya ginawa ang nagawa niya.

No. He doubted himself for that. He couldn’t ignore those rosy cheeks. Mamula-mula kasi iyon at napaka-cute na para bang nanggigigil siyang pisilin ang mga iyon. Ano nalang kaya kung makita niyang mag-blush ang babaeng iyon?

Nah, he might not see her again. Hindi siya permamenteng nandirito sa condo unit niya sa dami ng mga negosyo at buildings na pinapatayo sa Manila at Cebu. Hands-on siya magtrabaho sa sarili niyang kompanya. At sa ilang taon din ng pagpapatakbo ng negosyo niya ay ngayon lang siya nagkaroon ng oras na umuwi at magbakasyon ng ilang araw. May mga ilang bahay din naman siya sa iba’t ibang lugar pero dito sa Baguio lang talaga siya nakakapagrelax. It must be the enchanting weather of Baguio that made him comfortable. Malayong-malayo sa init at stressful environment mayroon ang Maynila. Ang mga magulang niya ay nagmigrate na sa States at ang nag-iisang kapatid naman niya ay masaya namang namumuhay at nagpapatakbo sa sarili nitong negosyo sa Sagada.

He looked at himself at the mirror habang dinidiinan ng kaunti ng yelo ang namamagang pisngi. Maliit man ang babaeng nagngangalang Jolly ay hindi maikakatwa na malakas itong sumuntok. Siguro mas may chance pa itong manalo kung si Pacquaio ang kalaban nito sa boxing. That woman really looked fragile from the outside, but a great warrior inside. Mahirap kalabanin.

Naalala niya na itinuro nito ang condo unit na tinitirhan nito. Napangiti siya. Dalawang unit lang ang pagitan nila. He must buy some flowers and apologize to that woman. Alam niyang na-offend niya ito dahil napagkamalan nga niya itong bata. Kaya nga siya nasuntok nito dahil d’on. Nagbihis na siya at handa ng umalis ng marinig niyang may nagdoor bell. Sumilip muna siya sa eye hole ng pinto ngunit wala siyang makita sa labas. Napakunot-noo siya at ilang ulit pang sumilip sa eyehole pero wala talaga siyang makita. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto.

Para siyang aatakihin sa puso dahil wala naman siyang nakita sa labas at bigla nalang niyang napansin ang mala-bola na pigura. Sumalubong sa kanya ang isang pamilyar na babae na nakaupo at awtomatikong nakatingin sa kanya. Napanganga siya.

 

“SORRY” nakayukong turan ni Jolly habang pinapaypan si Kil sa upuan. Muntik na itong matumba at atakihin sa puso sa pagkabigla kanina ng makita siya. Natakot niya yata ito kanina.

“Were you trying to kill me? ‘cause if you do, you almost succeed on that one.”

Napakagat labi siya. “Sorry na. Hindi ko naman sinasadya eh. Malay ko bang matatakutin ka pala. Kalaki-laki mong tao, matatakutin ka.”

“Correction. Hindi ako natakot. Binigla mo ako. Sino naman ang magaakalang may taong uupo sa harap ng pintuan matapos kumatok? Tapos hindi pa kita nakita sa eyehole kanina. Who would have thought—”

“Oo na. Kasalanan ko na. Kaya nga ako nagsosorry eh. Sorry na. May kasalanan na naman ako sa’yo. Ikaw naman kasi eh. Sinabihan mo akong bata. Ayan tuloy.”

“Hindi ko nga sinasadya na—”

“Oo na. alam ko, hindi mo sinasadyang ma-offend ako. Sorry ulit. Sorry, nagka-black eye ka tuloy.” Aniya at sinubukang hawakan ang namamagang pisngi nito. Napakislot ito. Lalo lang siyang naguilty. Kinuha niya ang icepack sa kamay nito at dahan-dahang inilapat iyon sa mukha nito. “Ikaw naman kasi ‘wag basta-basta nag-aassume. Sa sususunod baka hindi lang black-eye ang aabutin mo.” Nang mapaigik ito sa sakit ay dahan-dahan niyang inihipan ang pisngi nito para maibsan ang sakit. Napansin niyang titig na titig ito sa kanya. Hindi sana niya iyon papansin at sinubukan niyang mag-focus sa paggagamot sa napinsala nitong pisngi na siya mismo ang may kagagawan, pero ang intensity yata ng titig nito sa kanya umabot hanggang sa kalamnan niya na naging sanhi ng papalakas at pag-iba ng tibok ng puso niya. Ba’t gan’on? Parang may drumroll sa dibdib niya. Tumikhim siya.

“Bad breath ba ako?”

Napangiti ito. Ah that sweet smile again. Gawin niya kaya itong bungi? Baka magbalik sa normal ang heart beat niya.

“Sana kanina pa ako patay kung bad breath ka.”

“Ah mabuti naman.” Mabuti nalang at nakapag-tootbrush pa siya bago siya sinipa ni Lorelie palabas ng unit nito.

Gusto niyang palakpakan ang sarili dahil nagawa niyang magfocus at pakalmahin ang naghuhurumentadong puso niya habang marahan niyang dinidiinan ng icepack ang pisngi nito, kaya naman nagulat siya nang iniangat nito ang kamay nito at lumanding iyon sa pisngi niya.

“Ang cute mo talaga.”

Wala na. Kung kanina’y kaya pa niyang kontrolin ang sarili ngayon ay parang sasabog na yata siya. Pakiramdam niya ay nag-iinit siya. She heard him chuckled.

“Even prettier when you’re blushing.”

Dahil sa sinabi nito ay napadiin niya ng malakas ang ice pack sa pisngi nito. Napaigik ito.

“’Yan kasi kung anu-ano pang pambobola pa ang sinasabi!” pangtataray niya kasabay ng pangpapakalma niya sa sarili. So help me God! Kung hindi lang talaga gwapo ang kapre na’to eh.

“O saan ka pupunta?” tanong nito nang lumapit na siya sa pinto.

Ayokong magkasala kaya ‘wag mo’kong pipigilan kapre ka.

            “Aalis na ako. Nakahingi na ako ng tawad eh. Tsaka kaya mo na ‘yan.”

“Jolly sandali!” dali-dali itong lumapit sa kanya at hinawakan ang kamay niya para pigilan siyang lumabas. Jusme! Gusto yata nitong ma-rape ng wala sa oras!

“Ano?!” asik niya. Natigilan ito saglit pero pinalabas nito kaagad ang angelic face nito kasabay ng ngiti nitong nakakalaglag panty na. Lord, sorry po pero crush ko na po yata siya. He-he.

“Friends na tayo ha? Bati na tayo.”

“Ayan kana naman, ginagawa mo na naman akong bata.” Nanliliit ng mga mata niyang nakatingin rito. “Isa pa’t uupakan na talaga kita. Wala akong pakialam kahit kapre pa ang height mo. Di kita uurungan.”

He raised his two hands up. “Promise hindi ko na uulitin.” Inihatid siya nito sa labas ng pintuan. “Sige umuwi ka na. Baka pagalitan ka pa ng nanay mo.” Anito sabay sarado ng pinto.

“Kil!” sigaw niya sabay padyak sa paa. Iniinis siya talaga ng mokong na ‘yon. May malaanghel lang pala itong mukha pero mala-demonyo naman pala ang ugali. “Naku, naku, nakuuuu! Baka gusto mong totohanin ko na ang pangalan mo sa status ng buhay mo? Tse!” pasigaw niya sa harap ng unit nito. Narinig pa niyang malakas itong tumawa bago siya nagmartsa papasok sa condo unit nila ni Lorelie.

 

 

Tags:

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply