Tattooed in My Heart [Chapter 3]

0

 “O, ano ‘yang pinagkakaabalahan mo?” tanong pa niya sa kanyang kapatid na mukhang busy sa paggawa ng kung ano.

“Ah, sasali ako sa Kite Festival, ate. Para naman magkapera ako.” Nakangising anito.

Sinipat-sipat niya ang maaaring disenyong gagawin nito.

“Ah. Ano ba ‘yan? Ang pangit naman!” nakasimangot na aniya sa kapatid.

“Gusto ko kasi aswang ‘yung design. May maganda bang aswang?” ang sagot naman nito sa kanya.

Napatawa tuloy siya. Saka ibinagsak niya sa sahig kung saan ito nakaupo ang sobreng bigay ng doctor para rito.

“Ayan, regalo daw ni Dr. Lopez dahil magiging valedictorian ka raw. Sinabi mo ba sa kanya?”

“Eh, nag-text siya. Nangumusta. Kaya sinabi ko sa kanya ang tungkol doon. Proud daw siya sa ‘kin.” Anitong sinilip ang laman ng sobre. “Ate, may limang libong piso rito. Ang laki!” natutuwang anito.

“Pasalamat ka sa kanya. May pambaon ka sa pag-first year mo. Saan mo nga pala gustong mag-aral?” Gusto nitong maging Chemist.

“Nag-apply na ako ng scholarship sa UP. Malalaman ko raw ‘yung resulta ng evaluation sa susunod na buwan. Pagkatapos ng graduation.” Ang anitong nakabalik na mula sa kwarto nito nang maitago na ang pera.

“Nag-apply ka na pala. Di mo sinabi sa ‘kin.”

“Plano ko kasing isu-surprise kita kapag nakapasa na ako.” Anitong niyakap pa siya at hinalikan sa noo. Mas matangkad ang kapatid niya ng dalawang dangkal kahit sa edad nitong 16.

“You’ll make it.” May kumpiyansa siya sa kapatid na magiging scholar ito. Parati itong nasa top 1 mula elementarya. “Pero huwag kang masyadong ma-pressure. Mababaliw ka niyan. At ayokong mag-alaga ng baliw.” Pabirong aniya sa kapatid.

“Bakit, ate? Plano mo na bang magpakasal dahil 28 ka na?” ngumisi pang anito.

“Hoy. Hoy. Hoy. Sinong maysabi sa ‘yong magpapakasal na ako? Maghahanap pa nga ako ng…”

“Boyfriend?” biro pa nito.

“Ikaw talaga! Huwag mo nga akong bibiruin ng ganyan.” Sabi pa niyang sabay kurot sa tagiliran nito. “Trabaho ang gusto kong sabihin.” Dagdag pa niya. Pero bakit napunta sa isang lalakeng may maraming tattoo ang kanyang isipan nang mabanggit lang ng kapatid ang tungkol sa nobyo?

“Oy, si ate. May naisip na lalake. Aminin,” ang patuloy na susog nito. “Sino ba ‘yon? Si Dr. Lopez ba?”

“Ano? Tumigil ka nga. Hindi, ano,” turan pa niya.

Saka napasimangot itong nakatingin sa kanya. “Ayaw mo ba kay Dr. Lopez? Mukha namang gusto ka niya, ate.” Seryosong anito. “At mabait pa siya.”

“Malisyoso. Ke bata-bata mo pa.”

“Di nga, ate. Kita ko nga kung makatitig siya sa ‘yo, eh. Pero hindi mo ‘yon napapansin.”

Napakurap-kurap siya. Hindi nga niya napansin iyon. Saka napakagat-labi siya.

“Bihis na ako.” Ang sabi pa niya at iniwan na ang kapatid. Ayaw niyang bigyan ng ibang kahulugan ang pagtulong sa kanilang magkapatid ni Dr. Lopez.

“Pahinga ka na lang muna, ate. Ako na ang magluluto ng hapunan natin.” Pahabol pa ng kapatid nang makapasok na siya ng kanyang kwarto.

Napaisip siya tuloy kay Dr. Lopez at sa lalakeng may tattoo. Mukhang napakalapit ng mga ito sa isa’t isa. Kaya halos mapalundag siya nang tumunog ang kanyang cellphone. At nakita niyang si Jasmine iyon.

“Eeiii…” nagtitili ito sa kabilang linya.

“O, anong nangyari?” parang kinabahan tuloy na aniya rito.

“Alam ko na ang pangalan n’ung kliyente kanina sa LACH.” Ang tugon nito.

“Ha? Alin d’un?” ang aniya ngunit alam na niya kung sino iyon. Ang lalakeng may maraming tattoo. Napalunok tuloy siya pagkatapos.

“Hay, naku! Alam kong nagda-drama ka lang. Iyong cute guy with tattoos? Siya si Sud Nathan Rodriguez. Best friend pala siya ni doc. Narinig ko kay Lemuel kanina bago ako umalis. Kasi tinanong ko siya kung siya ang nag-ultrasound kay Gassin kasi nga pang-gabi siya, di ba?” mabilis na nagsalita ito.

Napa-ah lang siya.

“Huh? Wala bang ibang reaksyon maliban sa ‘ah’ mo? Naku, ni-research ko pa siya para sa ‘yo, ano? Alam mo bang may-ari siya ng mga gasoline stations sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila? Tapos, tattoo artist pala talaga siya kaya may marami siyang tattoos.”

Napa-ah na naman siya.

“Haaay! Ang dry mo namang kausap! Pero di bale. Heto pa. Wala siyang girlfriend ilang taon na. At dinig ni Lemuel na dito na muna mamalagi si Sud dahil sa isang death anniversary.” Dagdag pa nito.

Napa-ah na naman siya. Ngunit napaisip siya kung kaninong death anniversary iyon.

“Hay, naku! Ang excited ko pa naman sanang ibalita ang lahat ng ito sa ‘yo. Pero bakit ‘ah’ ka lang ng ‘ah’ diyan? Wala ka bang itatanong o iko-comment man lang? Nagpa-unli talaga ako para sa ‘yo.”

Napatawa tuloy siya. “Jasmine, I appreciate your concern tungkol sa love life ko, ano? Pero, no way! Hindi siya ang type ko. Malay ko ba? The only girl who loves him is his mother dahil sa mga tattoos niya?” Mapaklang aniya rito.

“Ano ka ba? Kahit ancient people, tanggap ang mga taong may tattoos sa katawan. It’s culture. It’s a way of expressing one’s self.” Debate naman ng kaibigan.

“Basta, ayoko sa lalakeng may tattoo sa katawan. Ang pangit tingnan. Parang… galing preso at adik pa.”

“Napakakonserbatibo mo naman. Pero di mo ba siya nai-imagine? Di ba’t maskulado siya? Lalakeng-lalake ang dating. Tapos, charming pa kung makangiti sa ‘yo. Hindi mo ba naiisip ang mga… ganoong bagay?”

Napatawa tuloy siya at napasok nga sa isipan niya ang maskuladong katawan ng lalake. At pinamulahan siya ng mukha nang ma-imagine na hahalikan siya nito habang nakakulong siya sa mga bisig nito. Oo, gusto niya ang lalakeng iyon. At pilit niyang pinigilan ang sariling huwag nang lumala pa ang kanyang imahinasyon sa di karapat-dapat. Napaigham tuloy siya.

“Tumigil ka na. Tapos na ang usapang ‘to. May gagawin pa ako.” At pinatay na niya ang cellphone para hindi na ito makatawag muli at kulitin siya. Ngunit napangiti naman siya dahil sa effort ng kaibigan.

“Sud Nathan?” naibulong pa niya sa sarili. Kakaiba ang pangalan nito. Sabagay, mukhang unique nga naman ang lalakeng iyon. At hindi niya makalimutan ang kagandahang lalake nito kahit sa mga tattoos nito sa katawan.

“Kain na tayo, ‘te,” ang tawag pa sa kanya ni Ben. Hindi niya alam kung gaano siya katagal nakatunganga habang iniisip ang lalake.

“H-hindi pa ako nakapagbihis, Ben. Hintayin mo ako sandali,” at ngali-ngali na siyang nagpalit ng damit pambahay.

Sa gabing iyon ay ang lalakeng may tattoo ang laman ng kanyang panaginip. Doon ay nginitian niya ito nang matamis at lumapit ito sa kanya at niyakap siya nito’t hinalikan sa labi. Napasapo siya sa kanyang noo nang magising siya at saka uminom ng tubig na nasa ibabaw ng kanyang bedside table. Humiga siyang muli at pinilit na bumalik sa pagtulog.

Kinabukasan ay naghihintay siya ng jeep papuntang LACH. Ngunit may biglang humintong kotse sa kanyang harapan. Umalis siya mula roon. Dahil baka may bababa o sasakay nito. Ngunit lumitaw ang mukha ng lalake nang buksan nito ang pintuan ng kotse.

“Hop in.”

Napamaang pa siya nang makilala ito. Si Sud. Saka itinuro niya ang kanyang sarili nang may pagtataka. “A-ako bang kausap mo?”

“Oo. Napadaan lang sana ako at nakita kita. Pupunta na ako sa pupuntahan mo. Sa animal care home, di ba?”

Napalunok tuloy siya. Nag-aalinlangan. Hindi naman sila close para pag-offer-an ng masasakyan nito. Kahapon lang sila nagkita nito at hindi pa sila pormal na nagkakilala. And yet, she remembered her dream last night. It was him. Pinilit niyang maging pormal sa harap nito.

“Halika na. Magkakatrapik nito mamaya dahil sa ‘tin.” Ang punto pa nito.

Napakagat-labi na lang ang dalaga. Wala siyang magagawa kundi ang sundin ito. Di rin kasi papunta sa direksyon ng LACH ang nasa buntot nitong jeepney. Nang maisara na niya ang pinto ay pinausad na nito kaagad ang kotse habang nag-seatbelt siya.

Hindi siya makatingin sa lalake. Gusto niya sana itong iwasan pero wala siyang maisip na paraan kanina. It was pointless to avoid him in public. Ayaw niya ng eksena. At baka siya pa ang mapahiya ‘pag nagkagayon.

Langhap na langhap niya ang pabango ng lalake nang makalulan na siya. Ayaw mang aminin ay gusto niya iyon. Malinis rin sa loob ng kotse nito. Hindi makalat. May instinct na nagsasabi sa kanyang hindi naninigarilyo ang lalake. Buti na lang. Ayaw pa naman niya ng amoy ng sigarilyo.

“I don’t think we’ve been properly introduced yesterday. I’m Sud, by the way.” Pakilala pa ng lalake.

“Kallia Mariano,” sagot niya tuloy sa maliit na boses.

“I think that’s a beautiful name.” At alam niyang nakangiti na naman ito kahit hindi niya ito tinignan. Hindi siya kumibo.

“Siyanga pala, I wanna buy something for you, guys. Bilang pasasalamat ko sa pag-alaga n’yo kay Gassin. Siguro… pagkain?”

Napatingin siya sa lalake. “Huwag ka nang mag-abala, sir. Trabaho namin ‘yon. Si doc na lang kung gusto mo siyang ilibre. Siya naman talaga ang nag-alaga kay Gassin.”

“No. I wanna do this for you.” Ang sabi pa nito.

Napasimangot siya. Siya ba ang ibig sabihin nito? O in plural form ba ‘yon kasali na ang mga kasamahan niya sa LACH? Hindi na lang siya kumibo. Wala naman siyang mahumang maisagot rito.

Tumuloy sila sa isang drive through na fast food. Marami itong inorder. Hinayaan na lang niya ito sa nais nitong gawin. Saka nagpatuloy na silang magtungo sa LACH. Bumaba silang dalawa at bitbit ng lalake ang mga inorder nitong pagkain para sa kanila ng mga kasamahan niya. Hindi na siya nag-offer na tulungan ito kahit halos magkalaglagan na ang mga bitbit nito. Naisip niyang pagbuksan na lang ito ng pinto man lang saka tinalikuran na ito.

“Hi,” bati pa nito sa mga kasamahan niya.

Kompleto ang mga ito ngayon. Sina Jasmine, Mara at Tommy. Tinulungan ng huli ang lalake.

“Para sa inyo ‘to.” Ang narinig niyang ani lalake.

“Talaga po?” nagniningning kaagad ang mga mata ni Jasmine nang malingunan ito ng dalaga. “Salamat po, sir!” Saka nagpatuloy ang tingin nito sa kanya. At lumapit pa ito sa kanya. “Bakit magkasama kayo? Kita kong bumaba ka sa kotse niya, ah,” ang bulong pa nito sa kanya.

“Mahabang istorya,” tanging nasabi niya nang pabulong rin. Saka isinuot na ang lab coat tulad ng dati.

Kumain ang mga kasamahan niya sa pagkaing dala ng lalake habang sila namang dalawa ay pumanhik sa itaas upang kunin si Gassin. Tuwang-tuwa ito nang makita ang lalake.

“Hey, boy. We’re going home.” Ang sabi pa nito sa aso na hinimas ang ulo nito.

Tumahol ito na tila tuwang-tuwa sa balitang iyon. Saka kinarga na nito ang aso. Pagkatapos ay inilapag ito sa sahig at nilagyan ito ng tali sa leeg.

Tsinek pa ng dalaga ang aso bago niya pinirmahan ang mga papeles at nang opisyal na itong mailabas ng LACH. Mayroon na rin iyong initials ni Dr. Lopez at rekomendasyon kaya wala na ring problema. Nagbayad na ang lalake sa mga kailangan nitong bayaran sa reception area.

“Thank you, sir! Please come again.” ang sabi pa ni Mara nang nakangiti nang matamis sa lalake.

Nakita niyang bumaling ang lalake sa kanya. Ngumiti ito at itinaas ang kamay sa pagkaway sa kanya. Napilitan na lang siyang itinaas lang ang kamay ngunit hindi kumaway rito. Lumabas ang lalakeng palingon-lingon sa kanya. Dahil sa glass doors lang naman at nakikita sila sa loob mula sa labas.

Nang makita niyang maipasok na ng lalake sa backseat ang aso ay pumasok na rin ito sa kotse at umalis na. Dahil sa wala pa naman silang customer ay agad na lumapit sa kanya sina Mara at Jasmine pati na si Tommy.

“So, ano ba ‘yung mahabang istorya at sabay kayong pumunta rito?” excited na tanong ni Jasmine.

“Hmm… mukhang may namamagitan sa inyong dalawa, ha?” ang sansala pa ni Mara.

Napamaang siya rito. “Ano? Porke ba’t sumakay na sa kotse niya may namamagitan na sa ‘min? Napadaan lang siya sa unibersidad, tapos nakita niya ako. Pinasakay niya ako dahil alam naman niya kung saan ako pupunta.”

“Hmm… something fishy here,” ang sabi pa ni Mara. “Paano niya nalaman ang schedule mo? Coincident lang ba talaga?”

“Coincidence, Mara. Coincidence,” ang koreksyon pa ni Jasmine.

“Siya, siya. Coincidence na nga.” Anang Mara at napahagikhik pa si Tommy at sinapak nito ang tiyan nito at napaubo. “Tumahimik ka nga.”

“At bakit naman niya ako sadyang daanan sa university, aber?” ang tanong pa niya sa dalawang babae dahil tahimik lang namang nakikinig si Tommy sa tsismis.

“Malay mo. Nag-umpisa na siyang magpapalipad-hangin sa ‘yo,” sabi pa ni Jasmine.

“Tatanungin ko kaya si doc tungkol sa kanya? Alam kong magkaibigan sila, eh. Matagal na ako rito, ano? Di ko pa siya nakikitang gano’n makatingin sa staff rito.” Turan ng pinakamatagal na empleyada sa LACH na si Mara.

“Ang malisyosa n’yo. Tigilan n’yo nga ako. Magra-rounds pa ako.” Aniyang tinalikuran na ang mga kasamahan.

“Umiiwas,” ang sabi pa ni Jasmine.

“Heh!” napatawa na ring aniya rito.

Saka pumanhik na siya sa hagdanan para tignan ang mga naka-confine na mga aso. Kinuha na niya muna ang records sa clinic ng doctor at tinignan ang history ng mga iyon. Ngunit pabalik-balik sa kanyang isipan ang mukha ni Sud… at pati ang kanyang panaginip kagabi.

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply