Isang Taon na

1

Isang Taon Na
Ni: Gemvilla

Isang taon na pala, mula nang ikaw ay lumisan,
Isang taon na mula nang ikaw ay namalaam,
Isang taon na mula nang kami ay iniwan,
Isang taon na mula nang ikaw ay naglakbay patungo sa buhay na walang hanggan.

Isang taon na nga nang ikaw ay nawala,
Ngunit, hanggang ngayon puso ko ay lumuluha,
Masakit pa rin ang iyong pagkawala,
Luha ko’y sadyang dumadaloy kapag ikaw ay naaalala.

Lolo, maaari bang ikaw ay bumalik muna?
Sa pagpanaw mo, ako ay hindi pa handa.
Isang taon ka na ngang nawala,
Ngunit ang sakit ay para pa ring sariwa.

Lolo, maaari bang sa pag-uwi ko’y ikaw ay nariyan?
Sa kubong lagi mong pahingahan,
Nagpapahangin sa init ng katanghalian,
Nakatunghay sa mga taong dumaraan.

Hiling ko’y ito ay masakit na panaginip lamang,
At sa paggising ko, ang matamis mong ngiti ay aking masisilayan,
Mga mata mong nawawala kapag ikaw ay tumatawa,
Matang singkit na sa amin ay iyong ipinamana.

Lolo, ako ay humihingi ng pasensiya,
Sapagkat sa huling sandali boses mo ay hindi ko na narinig,
Sa huling sandali ako ay hindi nakapagpaalam pa,
Lolo, ang pagkawala mo ay isang masakit na alaala.

Alam kong huli na, ngunit nais ko pa ring sabihing:
Lolo, salamat sa ilang taon na iyong pag-aaruga,
Maraming salamat sa mga pangaral mo sa amin ay tumatak na,
Mga payo mo ay habangbuhay naming dala-dala.

Salamat sa mga taong ika’y aming kasama,
Mga halakhak mong, sa aming puso ay parang musika,
Musikang masarap pakinggan at nakapanghahalina,
Lolo, mahal na mahal kita, ngunit batid kong ito ay hindi mo na maririnig pa.

Alam kong ikaw sa langit ay masaya na,
Sa piling ni Ama, ikaw ay payapa na.
Paalam na, mga luha ko’y pipigilan ko na,
Sa puso ko’y habang-buhay ikaw ay alaala.

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply