Laban Lang

0

LABAN LANG
Ni Gemvilla

Kaibigan, alam mo ba?
Mula nang ikaw ay makilala,
Buhay ko ay nag-iba,
Pananaw ko ay naging positibo na.

Mga payo mong tagos sa kalamnan,
Mga luhang bumaha dahil sa kasiyahan,
Mga sakit na dulot ng kasawian,
Nabura nang dahil sa iyong kakengkoyan!

Naalala ko pa nang ako nadapa,
Isa ka sa mga taong sa akin ay naniwala,
Mga matatalim salitang ibinato sa aking mukha,
Ngunit hitik sa pangaral at pang-unawa.

Sabi mo, buhay ay kay ganda,
Mga suliranin ay sadyang makakaya,
Hanga’t tayo ay nananampalataya,
Hindi tayo pababayaan ng Amang dakila.

Hindi ba’t sinabi mong:
Si Ama ay hindi magbibigay ng pasanin,
Na hindi natin kayang dalhin?
Tayo ay manalig lamang at manalangin.

Kaya kaibigan, ngayon ako naman ay pagbigyan,
Sapagkat nang ako ay nawalan,
Ako ay iyong inalalayan,
Hiling ko lang na kalooban ay tibayan.

Mga suliranin ay pagsubok lang ‘yan,
Pasasaan ba’t araw ay muling masisilayan,
Mga masasayang alaala ay iyong ilagay sa isipan,
Ang mga taong naniniwala sa iyo ang gawin mong dahilan.

Tumingin, tumingala ka sa kalingitan,
Makulimlim, dahil nagbabadyang pag-ulan,
Ngunit, ang araw ay iyong pagmasdan,
Nakasilip at nagsasabing ikaw ay lumaban.

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply