U L A N

0

Ulan
Ni: Gemvilla

Nakasilip, nakatanaw, binibilang ang bawat patak ng ulan,
Ulan na malayang nahuhulog mula sa mga ulap,
Ulap na sing dilim ng malalim na gabi,
Gabing tila kay tagal, ako’y naiinip na!

Naiinip na sa paghihintay ng pagdunagaw ni Haring Araw,
Haring Araw na nagsisilbing pag-asa sa tulad kong tinalikuran ng tiwala,
Tiwalang makaahon pa sa kinasasadlakang kalungkutan,
Kalungkutang dulot ng mapanlinlang na pagkatao niya.

Pagkatao niyang bulok loob at sariwa sa labas,
Sa labas at pisikal niyang anyo akala’y santo,
Santong may nakatagong demonyo,
Demonyong dumungis at nagwasak sa aking daigdig.

Daigdig na dati-rati’y kay saya at puno ng kulay,
Kulay na gumuguhit ng ngiti sa aking labi,
Labing noon ay nakapinta ang saya ngunit ngayon ay nabura na,
Nabura dahil sa sakit na dulot ng mapagkunwaring pag-ibig niya.

Pag-ibig niyang akala ko ay dalisay at totoo, iyon pala ay pagbabalat-kayo,
Pagbabalat-kayo upang mapalapit sa aking kapatid,
Kapatid na may iba nang mahal,
Mahal kita, mahal mo siya, ngunit mahal niya’y iba.

Ibang-iba ka na buhat nang ikaw ay tinanggihan niya,
Tinanggihan niya ang pag-ibig mong huwad na noon ay sa akin inilagak,
Inilagak ngunit binawi rin agad,
Agad-agad ka rin nakausad sa pag-ibig mo sa kanya.

Sa kanyang pagtanggi, ikaw ay luhaang tumalikod at walang pasabing umalis,
Umalis sa aking buhay, namaalam nang tuluyan,
Tuluyang lumayo upang limutin ang kabiguan,
Kabiguang nawala rin kinabukasan, sapagkat balita ko’y ikaw nasa bagong kandungan.

Kandungang hatid ay panandaliang aliw at pansamantalang pagpapalimot sa pusong sawi,
Sawi sa pag-ibig na hinangad ngunit sadyang hindi pinalad,
Hindi pinalad na bigyang kasiyahan ang tulad mong huwad,
Huwad na pag-ibig na siyang inalay sa akin.

Sa akin na walang hinangad kundi ang lumigaya,
Lumigaya sa piling ng taong mahal ko at mahal din ako,
Ako na ngayon ay lumuluha nang walang humpay,
Walang humpay, katulad nang pagbagsak ng mga butil ng ulan.

Ulan na walang balak tumila, katulad ng sakit na aking nadarama,
Nadaramang kasawian at nawawalan na ng pag-asang sasaya pa,
Sasaya pa nga kaya?
Kaya sana’y ulan huwag tumila hangga’t mata ko ay patuloy na binabaha,
Binabaha ng luha ng kasawian at kalungkutan.

Kalungkutang dumuduyan sa aking buong pagkatao,
Pagkataong dinurog ng mapaglarong tao,
Taong pinagkatiwalaan ngunit hatid sa akin ay kasarimlan,
Kasarimlan na tila walang katapusan.

Katapusan ng sakit ay nagbabadya,
Nagbabadya sapagkat ulan ay unti-unting humihina,
Humihina katulad ng hikbi ko’t pag-agos ng luha,
Luhang pinahid, ulan ay naging ambon at si Haring Araw ay dahan-dahang lumalabas na,
Kasabay ng ngiting muling namimintana sa aking mata.

Tags:

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply