Sleight of magic – Prologue

1

***NO TO PLAGIARISM***

Prologue

Nakaupo ako sa isa sa mga baitang ng hagdan ng bahay namin habang pinapakain ko ang mga manok. Tinitigan ko ang mga iyon habang nakapangalumbaba.

Alas-singko na ng hapon at kakagising ko lang mula sa pagkakatulog. Wala na rin naman akong gagawin dahil tinapos ko na ang paglilinis sa buong bahay at iba pang gawain bago ako magpahinga kanina. Naiinip na ako ngunit wala naman akong maisip na gawin.

Pagkatapos kong pakainin ang mga manok ay nagpasya akong maglakad-lakad sa dalampasigan. Maganda at masarap ang simoy ng hangin pero nakakaumay rin naman kung ito nalang ang palagi kong nakikita at wala ng iba.

Nakatira kami sa isang bahay na nakatayo sa tabi ng dagat. Hindi lang sa tabi ng dagat, kun’di sa mismong nag-iisang isa na aking napuntahan. At sa ngayon ay literal pa akong nag-iisa sa malawak na islang ito dahil wala si Tiya. Pumunta siya sa bayan para bumili ng aming mga pangangailangan dito.

Ngunit kung tutuusin ay hindi na naman niya iyon dapat gawin dahil sagana naman kami sa lahat dito sa isla. May malawak kaming hardin na puno ng tanim na gulay at bulaklak. May bangka rin naman kami at maaari ring mangisda kahit na sa malapit lang dahil napakalinis at napakalinaw ng tubig. Kung nasa malapit ay agad na makikita ang mga naglalanguyang isda.

Sa likuran naman ng aming bahay ay wala ng ibang makikita kun’di ang mga nagtataasang puno na tila ba nakikipag kompetensiya sa isa’t isa. Masukal ang kagubatan at sa tingin ko ay wala na itong hangganan. Kaya nga nagtataka ako kung papaano nakakalabas si Tiya rito papuntang bayan kung walang hangganan ang gubat. Masasabi kong iyon lamang ang tanging daan dahil doon palaging pumupunta si Tiya kapag aalis na siya.

Mabuti na lang at ligtas ang gubat na iyon at walang ligaw na hayop o ano pa man na nakakapagdala ng panganib. Sa tagal ko na sa lugar na ito ay wala pa akong nakasagupang ligaw na hayop kahit minsan.

Masyadong malaki at malawak ang lugar na ito para sa aming dalawa. Napakaluwag ng isla ngunit para naman akong nasisikipan dahil sa limitado lang ang maaari kong gawin at puntahan.

Hindi katulad ng mga nababasa ko sa libro at magasin na binibili sa akin ni Tiya o kaya naman ay katulad sa mga nakikita ko noon sa telebisyon. Magtatatlong taon na simula ng masira ang aming telebisyon, kaya naman mas lumaki pa ang paghahangad ko na makakita rin ng ibang tao na katulad ko.

Ilang beses ko ring sinubukan na lakarin ang kagubatan noon at nagbabakasakaling ilang sansali pa ay maabot ko ang hangganan nito. Hindi ako tumigil kahit na nakaramdam na ako ng sakit at pagod. Kahit na wala akong kasiguraduhan ay nagpatuloy pa rin ako pero sa haba ng oras na ginugol ko ay hindi ko rin nahanap ang bayan na pinupuntahan ni Tiya. Kaya naman simula noon, hindi ko na muli pang tinangka na umalis sa isa.

“Kung sana ay may makausap man lang ako rito,” naisatinig ko iyon. Si Tiya lang ang tangi kong kakilala at siya lamang ang nag-aruga sa akin simula ng bata pa ako. Ayos na man iyon sa akin pero hindi sapat na nandito lang ako sa isla na parang nakakulong kahit na alam ko na may lagusan pero hindi ko alam kung saan.

Sa bawat pagkakataon na tinatanong ko siya kung bakit hindi ako maaaring lumabas sa isla ay isang sagot lamang na paulit-ulit niyang sinasabi ang natatanggap ko.

“Malayo ang bayan at sobrang mapanganib ‘yon para sa’yo.”

Ilang beses ko ring hiniling iyon sa kanya bilang regalo sa kaarawan ko pero hindi man lang natupad ang kahilingan kong iyon kahit minsan. Pero kahit ganoon ay iniisip ko nalang sa positibong pananaw ang lahat ng ginagawa at sinasabi niya para sa akin.

Naglakad-lakad ako sa buhanginan habang hinahayaan ko ang aking mga paa na mabasa ng tubig. Katulad ng palda ko na nakasayad din sa tubig. Hinayaan ko rin ang buhok ko na tangayin ng hangin sa direksyong hindi ko pa kahit minsan napuntahan.

Tumingin ako sa karagatan. Wala man lang akong makitang kahit isang Bangka o isla man lang.

Wala man lang katao-tao rito sa isla. Tanging mga ibon lang ang nakikita ko na tila masaya sa kanilang paglipad dahil marami sila.

Napakatahimik at payapa. Ang naririnig ko lang ay ang huni ng mga ibon, hampas ng alon at ihip ng hangin sa aking mga tainga.

“Harper!” napalingon ako nang marinig ko ang boses ni Tiya na tumatawag sa akin. Nandiyan na pala siya mula sa pagbisita sa bayan. Kaninang umaga pa siya umalis at ngayon lamang siya nakabalik.

Medyo nakapagtataka dahil hindi naman siya ganitong oras kung umuwi. Palagi ay hindi na siya inaabot ng hapon at tanghali pa lang ay narito na siya.

Pumasok siya sa loob ng bahay kaya naman sumunod na rin ako. Pagpasok ko ay nakita ko siyang naglalagay ng kanyang mga pinamiling prutas at iba pa sa mesa. Marami-rami rin iyon.

Lumapit ako sa kanya at nagmano.

“Tiya, sana sa po susunod ay isama mo na ako para naman hindi ka mahirapan sa pagbubuhat nitong mga bilihin,” sabi ko habang isa-isang inalis ang mga pagkain na nakabalot.

“Harper, ilang beses na nating napag-usapan ang bagay na iyan. Kumain ka na ba?” sabi niya at umakyat na sa taas para magbihis ng pambahay na damit.

Hindi ko siya sinagot.

Paminsan-minsan ay pinapasok ko talaga sa usapan ang tungkol sa bayan. Hindi dahil sa ayokong makasama siya o nagsasawa na ako sa presensya niya, kun’di ay gusto ko naming makakita ng ibang tao. Labing-siyam na taong gulang na akong nabubuhay sa mundo ngunit si Tiya pa lang ang tangi kong nakita sa personal.

“Siya nga pala, Tiya. Bakit ngayon ka lang po nakabalik? Hindi ka naman po ganitong oas kung umuwi. May nangyari po ba?” tanong ko nang makita ko siya na pababa ng hagdan mula sa kanyang silid.

“Wala naman…” Nakita kong umiwas siya ng tingin na mas lalong nagpabagabag sa akin.

“Nagkita lang kami ng dati kong kaibigan,” dugtong niya.

Pagkarinig ko no’n ay agad akong nanlumo. Hindi pa ako nakaranas magkaroon ng kaibigan. Tanging mga manok at bulaklak lang ang nakakausap ko at hindi pa nila ako sinasagot.

Madalas ko ring kinakausap ang sarili ko. Marahil ay nababaliw na ako.

Darating pa kaya ang araw na makakaroon ako ng kaibigan?

“Tiya, A-ano po ang pakiramdam ng may kaibigan?” May kasamang pait ang pagkakasabi kong mga salitang iyon. Hindi ko na ‘yon naitago sa sarili ko kaya naman napatanong na ako sa kanya.

“Iha…” sabi niya na para bang mas nahihirapan pa kaysa sa akin. Sa tingin ko, kung may nahihirapan man sa aming dalawa ay ako iyon.

“Gusto ko lang naman po na malaman,” sabi ko sa mahinang boses.

“Harper, iha. Hindi ba nababasa mo rin naman ‘yon sa mga librong binibigay ko sa’yo?” Kumuha siya ng mainit na tubig at nagtimpla ng kape. Ako naman ay nakatingin lang sa kanya.

“Tiya, oo nga at nababasa ko iyon sa mga libro ngunit hindi naman sapat ang lahat ng nakasulat doon. Hindi ko rin naman lubos na maiintindihan ang lahat ng nakasulat doon dahil hindi ko pa iyon nararanasan. Kung hindi niyo rin naman ako pahihintulutang magkaroon ng kaibigan ay gusto ko na lamang malaman ang pakiramdam no’n mula sa’yo,” litanya ko sa kanya. Marami akong gustong maranasan pero mukhang imposible ang lahat.

Malalim siyang bumuntong-hininga at tinignan ako.

“Patawarin mo ako, iha kung hindi mo man nagagawa ang mga bagay na gusto mo. H’wag kang mag-alala dahil darating din naman ang araw na makakaalis ka rin sa lugar na ‘to at makakahanap ka rin ng magiging kaibigan mo. Siguro ay kapag tapos na ang mga nangyayari sa labas. Kapag hindi na mapanganib.”

Kailan pa kaya mangyayari iyon?

“Sabi niyo po ay mapanganib sa labas? Hindi po ba dapat ay pumirmi ka na lang dito at hindi na rin dapat lumabas? Baka kung ano pa po ang mangyari sa ‘yo.” Nangangamba ako na baka kung ano pa ang mangyari sa kanya dahil na rin sa mga ikinukwento niya.

“Natatakot ako, Tiya. Baka kung ano pa ang mangyari sa iyo sa labas at hindi mo ako mabalikan dito. Ayoko po na mag-isa habang buhay sa lugar na ito.” Bakas sa boses ko ang pangamba kaya naman hinawakan niy ang mga kamay ko at pinisil ang mga ito.

“Matatag ako, Harper. Alam mo iyan. Malakas pa ako at kaya ko ang sarili ko. Hindi ako mawawala, pinapangako ko ‘yan sa ‘yo. Hindi kita pwedeng iwan dahil ako ang poprotekta sa ‘yo. Tandaan mo na walang ibang poprotekta sa ‘yo kun’di ako lang.”

Ganoon ba talaga ka sama ang buhay sa labas?

Itutuloy…

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply