Flash Fiction: Kahon

0

Kahon
Kimberly De la Cruz
12.27.17
#300shortstory

Binuksan ni Julia ang aparador at bahagyang yumuko. May kinuha ito sa loob niyon. Inangat ito at ngumiti sa anak na sumunod sa kanya sa k’warto.

“Para ito sa iyo. Ang isang ito ay para sa kapatid mo. Sa bawat bagay na mayroon sa bahay na ito ay nararapat na hatiin sa pantay na dami dahil dalawa kayong anak ko.” Nakangiting sabi nito kay Keizha at tumayo na.

“Pati rin itong mga baso. Isang dosena ito kung kaya’t tig-aanim na piraso ang bawat isa sa inyo.” Pahabol pa niya. Hinawakan nito ang kamay ng anak at muling ngumiti nang pagkakatamis-tamis.

“Huwag n’yong hahayaan na madilaw ang inidoro gayundin ang lagayan ng mga plato at baso. Pinapakuluan ang mga tinidor at mga kutsara sa loob nang isang linggo sapagkat nagiging malansa ito. Huwag n’yo rin hayaan na gulo-gulo ang mga damit dito sa aparador. Hindi ito Divisoria na tumpok-tumpok bente.” Paalala sa kanila ng ina.

Dalawang taon na ang nakakalipas ng magpasya siyang mangibang-bansa para sa pamilya. Dolyar ang kinikita doon at sapat na ito para sa pagpapadala niya sa ina. Mukhang matutuwa ito kapag nalaman niyang punong-puno ang mga bagaheng ipadadala niya dito. Naglalaman ito ng mga tsokolate para sa kanyang pamangkin at gayundin ang mga bestida para sa ina. Malaking pera na ang naipon niya sa pamamalagi dito at sasapat na marahil ito para sa pagpupundar ng bagong negosyo sa Pilipinas.

Nilagdaan niya ang papel na hawak n’ya. Ipapadala na niya ang mga kahon sa mga ito. Nakangiti siyang iniabot ang papel sa babaeng hilaw. Marahang tinipa ang mga numerong nakadirekta sa bahay nila sa Pilipinas. Matagal ang pagsagot. Alumpihit siyang tumayo at lumabas muna ng establisyimento. Ibinaba na niya ito.

Nandito s’ya sa paliparan ng eroplano. Hila-hila niya ang maleta at luminga-linga sa paligid hanggang sa matanawan ang kapatid na umiiyak at niyakap siya. Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya.

“Keizha, si N-nanay!” Sisinghot-singhot na panimula ng kapatid niya.

Nanlamig ang buo niyang katawan. Ang mga tsokolate at bestida para sa ina. Inalalayan siya nito ngunit wala na siyang naaninagan pang kahit anong pigura. Wala na.

We will be happy to hear your thoughts

Leave a reply